Forbidden Triangle

Maganda si Lerona. Matalino. Mabait. Simple. Hindi maarte. Lahat ng katangiang hinahanap-hanap ko sa isang babae, nasa kanya.
In short, siya ang dream girl ko.
Si Marlon. Guwapo. Crush ng bayan. Matalino rin kaso tamad. Bumabagsak sa ibang subjects niya kasi tamad mag-notes at mag-review. Pero gentleman naman daw sabi ni Lorena.
At ako. Si Mark. Ewan. Lakwatsero? Bobo dahil kahit ano pang gawin ko, hindi maprocess ng utak ko ang mga lectures ng mga instructors ko. Tahimik at certified maginoo. At siyempre, cute.
Kaming tatlo ay magkakaibigang matalik since first year college. Fourth year na kaming tatlo at graduating students na. Magkabarkada na ang turingan namin kahit ba apat na taon lang ang samahan namin.
Noong una pa lang, nahulog na ang loob ko kay Lorena. Crush ko na siya nang nagkita kami. Siguro torpe nga talaga ako dahil sa mga taon na nakasama ko siya, hindi ko man lang sinubukang manligaw.
Sa kabila ng katorpehan ko, masaya naman siyang kasama, kahit bilang magbabarkada lang. Andyan siya kapag gusto mong magbigti na lang kaysa gawin ang mga assignments mo na nangangailangan ng research work. At si Marlon. Masayahin at entertainer sa kalungkutan at stress. Ang role ko naman dito ay ang pagiging resourceful na taga-recommend ng gimmicks.
Pero hindi nanatili ang ganoong pagtitinginan namin sa isa’t isa.
“Baliw ka ba? Liligawan mo si Lorena?” gulat na tanong ko kay Marlon no’ng minsang nag-sleep-over siya sa bahay namin.
“Mark, matagal ko nang hinihintay ‘to,” sagot niya habang nakatitig sa kisame. “Matagal ko nang tinatago ang nararamdaman ko sa kanya.”
Nakatitig lang ako sa kanya. Paris pala naming minamahal si Lorena ng palihim. “Mahal mo siya?” Yun lang ang tanging lumabas mula sa bunganga ko.
“Noon pa. Hindi ko matandaan kung kailang nag-umpisa pero pakiramdam ko, matagal na.”
Simula noong araw na ‘yon, karibal na ang tingin ko kay Marlon. At si Lorena, hindi ko magawang makausap nang tuwid.
“Mark, tara sa Chowking. Libre ko kayo ng halo-halo,” imbita ni Lorena minsan.
“Kayo na lang,” matamlay kong sagot.
“Aba, for the first time! Tumanggi ang kumag.,” kantsaw ni Marlon sa’kin.
‘Di na ako kumibo. Agad-agad akong umalis mula sa kinakatayuan ko. Hindi ko na pinansin ang mga pahabol na salita nina Lorena at Marlon. Diretso na lang akong umuwi.
Hindi ako mapalagay. Kung liligawan ko rin si Lorena, siguradong mas pipiliin niya si Marlon. Mas marami silang similarities kaysa sa amin ni Lorena. Crush ng bayan si Marlon. Nakalinya naman ang mga manliligaw ni Lorena. Nangangahulugan lang ‘yun na pareho silang maganda.
Hindi ko kayang tapatan si Marlon. Alam kong hanggang kaibigan lang ako kay Lorena.
Hindi rin nagtagal, umamin sila. Sinagot na ni Lorena si Marlon. Gumunaw ang mundo ko. Mas gugustuhin kong mapunta si Lorena sa iba. Kahit hindi sa’kin, basta hindi kay Marlon.
Hindi ko sila kinausap no’ng araw na ‘yon. Mas masaya kasi na kaming tatlo ang magkasama. Barkadahan lang. Wala nang iba.
Pero nawasak na ang samahan namin. Bumuo sila ng sarili nilang mundo. At hindi na ako kasali do’n. Kung kasali man ako, siguro etsapwera lang ako. Sila na lang palagi ang magkasama, e.
Lumipas ang ilang araw, may kumatok sa pinto namin. Si Marlon.
“’Musta na, Mark?”
Nagkibit-balikat ako. Pero sumenyas ako na tumuloy siya.
“Sleepover ulit ako dito sa inyo, okay lang?”
Naiinis nga ako sa kanya. Pero may pinagsamahan kami. At kaibigan ko pa rin siya. Tumango ako.
“Ipinakilala ko na si Lorena kay Mama at Papa.”
Ayoko na sanang pakinggan ang susunod pa niyang sasabihin. Pero hindi puwedeng iwasan ng aking pandinig ang susunod na ikinuwento ni Marlon.
“Nakilala ko na rin ang mga magulang niya,” patuloy niya habang humihiga sa sopa namin.
Hindi ko matiis na magsalita. Pinilit kong gawing malumanay ang tono ko nang hindi mahalata ang inis ko. “At okay lang sa kanila. Siguro okay lang sa kanila kasi bagay naman …”
“Nagalit sila, Mark,” malungkot na sabi niya.
“Bakit naman?” tanong ko.
“Hindi ko alam.”
Katahimikan. Medyo matagal.
Ako na ang naglakas-loob na pumutol nito. “Sa anong plano mo ngayon?”
“Magtatanan kami.”
Ano pa bang solusyon ang meron?
“At kailangan namin ang tulong mo.”
Hindi ko iyon matanggihan. Kaya’t pumayag akong maging accomplice nila. Tinulungan ko silang makahanap ng pribadong apartment na mumurahin.Wala akong pinagsabihan nito. Kahit na sa nagmamakaawang mga magulang ni Lorena.
Nawala ang poot ko sa kanila. Kinalimutan ko ang nararamdaman kong hapdi sa puso ko. Pinabayaan ko silang mabuhay sa sarili nilang mundo.
Isang buwan ang lumipas. Natagpuan sila ng mga magulang nila. ‘Doon sila tuluyang pinaghiwalay. Ikinulong nila si Lorena sa kuwarto niya. At si Marlon, pinapuntang Maynila. Hindi na raw siya pababalikin dito sa Baguio.
Isang araw, pumunta ang mommy ni Lorena sa bahay naming. Puntahan ko daw si Lorena. Baka daw ako ang magpapasaya sa kanya.
Pinuntahan ko nga siya. Naawa ako sa kanya nang datnan ko siyang umiiyak.
Nangayayat siya. Namumugto ang mga mata niya dahil sa walang tigil na pag-agos ng luha. ‘Ni hindi man lang maayos ang sarili.
Hindi siya umimik nang magkuwento ako tungkol sa pag-aaral ko. Hindi na ako nagtaka. Alam ko naming hindi niya talaga ako pakikinggan, e.
Tinanong ko siya. “Wala bang sinabi si Marlon sa’yo bago kayo naghiwalay?”
Pinilit niyang ngumiti. “Kapag nagkahiwalay kami, at umalis siya, siguradong babalikan raw niya kami.”
Kami? Anong ibig sabihin niya do’n?
Tinignan ako ni Lorena. “Mark, buntis ako. Hindi ito alam nina Mama at Papa.”
Hindi ko alam kung bakit pero parang kinilabutan ako sa sinabi niyang ‘yon.

Ilang lingo ang lumipas, nanatiling tahimik si Lorena sa mga magulang niya. ‘Ni hindi rin magawang kausapin ng mag-asawa ang anak nila. Sa tuwing susubukan kasi nila, bigla raw itong aalis sa harap nila.
Wala rin akong magawa para mapasaya siya. Tanging laman ng puso niya, ang pagbabalik ni Marlon.
Sumigla nang kaunti ang mukha niya nang inabot ko sa kanya ang isang sobre na galing mismo kay Marlon. Pinakausapan ako ng mommy ni Lorena na ibigay ko raw ito sa kanya.
Iniwan ko si Lorena kasama ang sobreng iyon. Ayoko nang makialam sa personal na buhay niya. Hanggang suporta na lang ako, isip ko.
Kinabukasan, akala ko maaabutan ko siyang masaya. Ini-expect ko na ikukuwento niya ang nilalaman ng sobre. Pero mali ang akala ko.
Natagpuan siyang patay. Uminom raw siya ng isang bote na sleeping pills. Hawak niya ang sulat na ibinigay sa kanya ni Marlon. Hindi na raw ito mabasa dahil halos mabura na ito dahil sa mga luha ni Lorena.
Pero may ilang pangungusap pa na nababasa sa dulo ng sulat. Ito na siguro ang dahilan kung bakit nagpakamatay si Lorena.
“Ipalaglag mo na ang anak natin. Kalimutan mo na ako. Hindi tayo puwedeng magsama. Paalam.”
Napaiyak ako sa lungkot at galit. Pa’no nagawa ni Marlon ito? Dalawang buhay ang nawala dahil sa kanya. Pa’no niya ‘to pananagutan?

Ngayon, ‘andito ako sa punenarya. Pinaglalamayan na ang katawan ni Lorena. Maraming dumalaw, naawa at umiyak.
Umalis ang mga magulang ni Lorena. Pinagbantay muna nila ako dito. May susunduin lang daw sila.
Lumabas muna ako para magpahangin sa labas.
Tapos, may narinig akong pamilyar na boses mula sa likuran ko.
“Kamusta ka na, Mark?”
Kumulo agad ang dugo ko. Lumingon ako at malakas kong sinuntok ang mukha ni Marlon. Napatumba siya.
Dumugo ang ilong niya. Pero hindi siya nakatingin sa’kin. Umiiyak siya.
Sa pagkakataong ‘yon, napansin ko na nakatayo sa ‘di kalayuan ang mga magulang ni Lorena. Walang bahid ng galit ang mga mukha nila. Pinapanood lang nila ako.
Pero hindi ko na sila pinansin. Sinigawan ko si Marlon sa galit.”Napakawalang-hiya mo, Marlon! Ang kapal ng mukha mo. Tinapos ni Lorena ang buhay niya at ng anak niyo dahil sa’yo!”
Tumayo si Mark. Hapo pa rin niya ang dumudugo niyang ilong. Saka siya nagsalita. “Hindi ko ito inaasahan, Mark. Hindi siya nagpakamatay dahil hindi ko na siya mahal. Sa totoo lang, mahal ko pa siya.”
“Pero pinapapatay mo ang anak niyo. Sinulatan mo siya, Marlon. Sinabi mong kalimutan ka na niya!”
“Hindi talaga iyona ng dahilan kaya siya nagpakamatay.”
“Ano? Anong dahilan, Marlon?”
Hindi na si Marlon ang sumagot ng tanong ko. Lumapit ang mommy ni Lorena. Lumuluha. “Magkapatid sila, Mark.”
Muling nanumbalik ang kilabot sa katawan ko, paris ng naramdaman ko nang sinabi ni Lorena na buntis siya.
“Produkto si Lorena ng Artificial Insemination, Mark.
“Hindi kami puwedeng magkaanak dahil baog ang asawa ko,” panimula ng mommy ni Lorena. “Matalik na magkaibigan ang ama ni Marlon at ang asawa ko. Nag-usap sila. Pumayag na maging sperm donor ang ama ni Marlon…”
Nanatili akong tahimik sa kinatatayuan ko. Hindi ako makapagsalita.
“Ilang taon din ang lumipas, hindi na nag-usap si Papa at ang ama ni Lorena. Kaya hindi sila aware na magkapareho kami ni Lorena ng paaralan,” sabi ni Marlon. “Hindi matanggap ni Lorena ang sitwasyon. Ang papa ni Lorena ang social father niya. Pero biologically, magkapatid kami sa ama,“
“Hindi namin agad nasabi ito sa kanila dahil naubusan kami ng pagkakataon,” dagdag pa ng mommy ni Lorena. “Hindi namin alam kung paano ito ipapaliwanag sa kanya. Kaya’t pinuntahan namin si Marlon. Nagpaliwanag. Sinabi naming sulatan niya si Lorena dahil sa pagkakaalam namin, iyon ang tanging solusyon para malaman niya ang totoo.”
Doon ko naintindihan ang lahat. Naging malupit ang tadhana sa amin. Tinangay nito si Lorena sa amin. Winasak niya ang mundo naming tatlo.
Tumingin ako sa kanila. Pinigilan ko ang mga luhang gusto nang bumagsak mula sa mga mata ko. Kakatwa ang pangyayaring ito. Pero matagal pa naming matatanggap na ito nga ang katotohanan.
“Dalawang buhay ang nawala. Mahirap mang sabihin, pero kilala niyo kung sino ang may sala,” mahina na sabi ko sa kanila. Hindi ko alam kung may karapatan akong sabihin sa kanila ‘yon. Pero nararamdaman ko, may responsibilidad ako kay Lorena.
Tahimik akong pumasok sa loob ng lamayan. Hinayaan ko nang lumuha ang mga mata ko.

Leave a Reply